MANILA, Philippines - Umiskor sina LeBron James at Kyrie Irving ng pinagsamang 47 points para ipagdiwang ang kanilang pagkakahirang sa Eastern Conference All-Star starters.
Nagtala si James na may 21 points at pinantayan ang kanyang season-high 15 assists bukod pa sa 9 rebounds, habang umiskor si Irving ng 26 points para pamunuan ang Cleveland Cavaliers sa 118-103 panalo laban sa Phoenix Suns.
Ito ang ikalawang panalo ng Cavs sa huling limang laro.
Hindi naman naglaro si Kevin Love dahil sa kanyang sore back.
Si James Jones ang sumalo sa naiwang trabaho ni Love at nag-ambag ng 14 points.
Ipinoste ng Cavs ang 21-point lead sa dulo ng first half at hindi na nilingon pa ang Suns na may worst record sa Western Conference.
Kumolekta si Tyson Chandler ng 22 points at 16 rebounds sa panig ng Suns matapos magkaroon ng stomach problems sa nauna nilang laro.
Sa Miami, umiskor si guard Goran Dragic ng 32 points, habang humugot si Tyler Johnson ng 10 sa kanyang 23 markers sa fourth quarter para tulungan ang Heat sa 99-95 panalo laban sa Dallas Mavericks.
Winakasan ng Miami ang season-high na three-game winning streak ng Dallas.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Washington ang New York, 113-110 at pinadapa ng San Antonio ang Denver, 118-104.
Sa New York, hindi mapapanood si Oklahoma City Thunder star guard Russell Westbrook para sa darating na NBA All-Star Game na nakatakda sa Pebrero 19 sa New Orleans.
Ito ay matapos manalo si Stephen Curry sa tiebreaker para makasama si Golden State teammate Kevin Durant sa lineup, habang magiging starters naman sina LeBron James at Kyrie Irving ng Cleveland Cavaliers sa NBA All-Star Game.
Inungusan nina Curry at James Harden ng Houston Rockets si Russell Westbrook ng Oklahoma City Thunder para sa dalawang Western Conference backcourt spots sa bagong voting system na kinabibilangan ng mga players at media sa unang pagkakataon ngayong season.
Makakasama nina Curry at Harden sina frontcourt choices Durant, Anthony Davis ng New Orleans at Kawhi Leonard ng San Antonio purs.
Ang East lineup ay binubuo nina Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks at Jimmy Butler ng Chicago Bulls sa frontcourt at DeMar DeRozan ng Toronto Raptors sa backcourt.
Tinalo ni DeRozan si Boston Celtics guard Isaiah Thomas sa isa pang tiebreaker.