Corteza at Chua sa semis ng World Pool

Si Lee Vann Corteza sa isang torneo.

MANILA, Philippines - Matayog pa rin ang li­pad ng bandila ng Pilipinas ma­tapos umusad sina Lee Vann Corteza at Johann Chua sa semifinals ng World Pool Series First Leg - The Molinari Players Championship na ginaganap sa Steinway Billiards sa Astoria Queens sa New York City, USA.

Dalawang importanteng panalo ang naitala nin­a Corteza at Chua para ma­siguro ang tiket sa Final Four, habang bigo namang makausad sina Carlo Biado at Dennis Orcollo na lumasap ng kabiguan sa kani-ka­nilang laban.

Nairehistro ni Corteza ang pahirapang 15-13 pa­na­lo laban kay Mika Immo­nen ng Finland sa Last 16 ka­sunod ang isa pang 15-13 gitgitang panalo kontra naman kay Naoyuki Oi ng Japan sa quarterfinals.

Patuloy din ang panana­lasa ni Chua nang pataubin ni­to si Jayson Shaw ng Great Britain sa bendisyon ng 15-11 desisyon gayundin ang isa pang Briton na si Chris Melling sa pamamagitan naman ng 15-14 panalo.

Sa kabilang banda, na­pigilan ni Orcollo ang rat­sada ng 20-anyos na si Billy Thorpe ng Amerika sa bisa ng 15-7 demolisyon sa Last 16.

Subalit hindi pinalad si Or­collo nang lumasap ito ng 12-15 kabiguan kay Dar­ren Appleton ng Great Bri­tain sa quarterfinals.

Natalo naman si Biado kay Oi, 10-15, sa Last 16 ng torneong may basbas ng World Pool-Billiard As­so­ciation at naglaan ng tu­mataginting na $20,000 para sa magkakampeon.

Nauna nang yumuko si­na Francisco Bustaman­te, Israel Rota, Jean Michael Breille, Ramil Galle­go at Alex Pagulayan.

Show comments