MANILA, Philippines – Sa kabila ng kaliwa’t kanang dagok sa koponan, desidido ang Ateneo de Manila University na maibalik sa kanilang teritoryo ang kampeonato sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament.
Unang nawala si three-time UAAP MVP Alyssa Valdez na natapos na ang five-year playing eligibility habang lumisan na rin sa koponan si Tony Liao bilang team manager.
Kamakailan, umalis na rin sa kampo ng Lady Eagles si Partley Tupaz bilang isa sa mga assistant coaches.
Gayunpaman, tuloy ang buhay para sa Lady Eagles na kasalukuyang nasa training camp sa Thailand na susundan ng isa pang serye ng training camp sa Japan.
Kasama ng grupo sa training camp si Thai coach Tai Bundit na napapabalitang posibleng lisanin na rin ang Lady Eagles dahil sa pagkawala ni Liao na siyang nagdala sa kanya sa Ateneo.
Ngayong wala na si Valdez sa lineup, maiiwan ang mabigat na pasanin kay open hitters Jhoana Maraguinto at Kim Gequillana na siyang magmamana sa puwesto ng mahusay na Ateneo standout.
Raratsada rin sina Bea De Leon, Ana Gopico, Deanna Wong, Julianne Samonte, Pauline Gaston at Maddy Madayag gayundin si setter Jia Morado at ang nagbabaik-aksiyong si opposite hitter Michelle Morente.
Noong nakaraang taon, bigong maipagtanggol ng Lady Eagles ang kampeonato nang yumuko ito sa De La Salle University sa best-of-three finals, 1-2.
Naitala ng Lady Spikers ang 25-22, 25-22, 25-21 panalo sa Game 1 ngunit naitabla ito ng Lady Eagles bunsod ng 18-25, 26-28, 25-17, 25-16, 15-11 desisyon sa Game 2.
Subalit tuluyan nang tinuldukan ng La Salle ang pag-asa ng Ateneo nang kubrahin nito ang 19-25, 25-21, 25-16, 25-16 panalo sa Game 3.