MANILA, Philippines – Pakay ng San Sebastian College at San Beda College na makisalo sa liderato sa kanilang paghaharap ngayong umaga sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Lady Stags at Red Spikers sa alas-11 kung saan ang magwawagi ang siyang sasama sa reigning titlist College of St. Benilde sa tuktok ng standings.
Kasalukuyang may parehong 3-0 marka ang Lady Stags at Red Spikers habang nangunguna ang Lady Blazers na may imakuladang 4-0 marka.
Kukuha ng malakas na puwersa ang San Sebastian kay power-hitting Grethcel Soltones, ang reigning back-to-back MVP na kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto sa scoring department hawak ang average na 16 puntos kada laro.
Aariba rin sina Joyce Sta. Rita at Katherine Villegas na may sariling averages na 12 puntos kada laro habang papalo rin si Dennice Lim gayundin si setter Vira Guillema.
Ang Red Spikers ay humuhugot ng lakas mula kay open spiker Francesca Racraquin, ang No. 6 best scorer na may average na 15 points sa kanilang unang tatlong laro.
Nais ni San Sebastian coach Roger Gorayeb na magising ang kanyang bataan mula sa hindi kagandahang laro noong Biyernes kung saan nailusot nito ang pahirapang 28-26, 25-14, 24-26, 24-26, 15-7 pananaig laban sa Letran.
“Magandnag wake up call sa amin yun. Gusto nilang makabawi this time,” wika ni Gorayeb.
Target naman ng Arellano University na makuha ang ikatlong panalo sa pakikipagtipan sa wala pang panalong Letran sa alas-12:30 ng tanghali.
May 2-1 baraha ang Lady Chiefs habang laglag sa 0-3 ang Lady Knights.
Sa men’s side, patatatagin ng Arellano ang kapit sa pamumuno sa pagharap nito sa Letran sa alas-2.
Malinis ang baraha ng Chiefs bitbit ang 3-0 rekord samantalang may 1-2 ang Knights.
Sa juniors, nakatakda ang duwelo ng San Beda (0-3) at San Sebastian (0-2) sa alas-8 ng umaga gayundin ang Letran (2-1) at Arellano (1-1) sa alas-3:30 ng hapon.