Isabela iho-host ang 2 event ng PATAFA

Nagkamay sina PATAFA president Philip Ella Juico (ikalawa mula sa kaliwa), nakaupo) at Ilagan, Isabela Mayor Evelyn C. Diaz matapos lumagda sa Memorandum of Agreement na nagsasaad na ang probinsiya ang siyang host ng 12th South East Asia Youth Athletics Championships at National Open Invitational Athletics Championships sa Marso sa susunod na taon nang ma­ging panauhin sa PSA Forum sa Shakey’s Malate. Sumaksi sa pirmahan ng MOA sina PATAFA VP Nicanor Sering (kaliwa); Jayvee Eveson Diaz (bandang kanan), Chairman Committee on Sports Development; (nakatayo mula sa kaliwa) PATAFA Secretary General Rey Unso; Ricky Lagui, General Services chief; Drolly Claravall, Region II Director at PATAFA Marketing head Edward Kho.

MANILA, Philippines – Sabay na idaraos ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ang 12th Southeast Asia (SEA) Youth Athletics Championships at National Open Invitational Athletics Championships sa Marso  sa Ilagan Sports Complex sa Isabela.

Lalarga ang SEA Youth Athletics meet sa Marso 27 hanggang 28 na tatampukan ng mahuhusay na atletang may edad na 17-anyos pababa habang ang National Open ay gaganapin sa Marso 30 hanggang Abril 2 na siya namang magsisilbing final tryout upang makabuo ng pambansang koponang isasabak sa 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nakipagkasundo na si PATAFA  president Dr. Philip Ella Juico sa pamunuan ng City of Ilagan, Isabela sa pangunguna ni Mayor E­velyn Diaz sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MoA).

“This is the first time we’re holding the SEA Youth Athletics here and bringing it to Ilagan, Isabela is part of our mission of bringing the sport to the province. At the same time, it’s a chance for us to see and experience top notch competitions,” ani Juico.

Ayon kay PATAFA sec-gen Renato Unso, may 26 events ang paglalabanan sa SEA Youth - 13 sa boys at 13 sa girls - samantalang aabot din sa 26 event ang lalaruin sa National Open. Hindi  itataguyod ang marathon at walkathon.

Show comments