MANILA, Philippines – Lumapit sa kampeonato ang St. Clare College-Caloocan nang patumbahin nito ang top seed Our Lady of Fatima University, 72-67 sa Game 1 ng 16th NAASCU men’s basketball tournament best-of-three championship series sa Makati Coliseum.
Nakuha ng Saints ang 1-0 bentahe kung saan isang panalo na lamang ang kanilang kailangan upang makuha ang ikalawang korona sa loob ng limang taon.
Nagtala ang St. Clare ng 18 puntos na abante, 64-46 sa ikaapat na kanto subalit kinailangan nito ang malakas na puwersa mula kina Aris Dionisio at Steve Fongue upang maprotektahan ang kanilang lamang kasabay ng pagpigil sa paghahabol ng Phoenix.
Halimaw si Dionisio na humataw ng 13 puntos tampok ang krusyal na three-pointer na siyang pumigil sa 12-0 run ng Phoenix. Nagtala rin ito ng 22 rebounds at pitong blocks.
Malakas na suporta rin ang ibinigay ni Jordan Rios na kumana ng 15 puntos.
Kayod kalabaw si Joseph Marquez na bumanat ng 36 puntos tampok ang 15 puntos sa fourth quarter subalit hindi ito sapat para dalhin ang Phoenix sa panalo.
Susubukang masungkit ng Caloocan City-based Saints na hawak nina NAASCU chairman Dr. Ernesto Jay Adalem at coach Jinino Manansala ang titulo sa pagsambulat ng Game 2 sa alas-4 ngayong hapon sa parehong venue.
Huling nagkampeon ang St. Clare noong 2012 kasunod ang runner-up finishes noong 2013, 2014 at 2015--lahat laban sa Centro Escolar University. (CCo)