MANILA, Philippines – Sa gitna ng malakas na kompetisyon ay tatargetin nina Sarah Joy Barredo at Mark Alcala ang kanilang back-to-back titles sa Bingo Bonanza National Open Badminton Tournament na hahataw sa Oct. 17 sa CW Home Depot Ortigas at SM Megamall.
Tinalo ni Barredo si national teammate Nicole Albo, 15-21, 21-16, 21-6 para angkinin ang women’s singles Open crown noong nakaraang taon.
Ngunit inaasahan ng PBA-Smash Pilipinas standout na mahihirapan siya hindi lamang laban sa mga kapwa niya national players kundi pati sa mga collegiate standouts.
Umiskor naman si Alcala 21-14, 21-17 panalo kontra kay top seed Kevin Cudiamat sa nakaraang edisyon ng taunang P1.5 million championship na itinataguyod ng Bingo Bonanza Corp. at may basbas ng Philippine Badminton Association na pinamumunuan nina Jejomar Binay at sec-gen Rep. Albee Benitez.
Inaasahan ni tournament director Nelson Asuncion ang paglahok ng mga foreign players sa torneo bagama’t hindi sila mabibigyan ng ranking points.
Samantala, idinaos kamakalawa ang draw at seeding sa LWRC 26F West Tower, Philippine Stock Exchange Centers sa Ortigas.
Ang iskedyul ng mga laro ay ipoposte sa Oct. 14 at ang coaches, team managers at players’ meeting ay sa Oct. 16 sa LWRC.
Ang iba pang players na babantayan ay sina R-Jay Ormilla, Kenneth Monterubio, Paul Vivas at Peter Magnaye sa men’s side at sina Christine Inlayo at Malvinne Alcala sa women’s side.
Makikipag--agawan din ang mga top collegiate at club players mula sa Metro Manila at probinsya para sa premyong P100,000 sa men’s at women’s singles champions at P120,000 sa men’s doubles, women’s doubles at mixed doubles ng event na may basbas ng Philippine Badminton Association.