MANILA, Philippines - Pinagbibitiw ng Malacañang ang lahat ng appointees ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon kabilang na si Philippine Sports Commission chairman William Ramirez at ang apat na commissioners nito.
Natanggap ni Ramirez ang direktiba mula kay Executive Secretary Salvador Medialdea.
Agad namang tutugon sa naturang pag-uutos si Ramirez at ang kanyang mga commissioners na sina Charles Maxey, PBA legend Ramon Fernandez, Arnold Agustin at Celia Kiram.
“We will comply,” pahayag ni Ramirez sa flag-raising ceremony sa Rizal Memorial Sports Complex kahapon.
Habang hinihintay ang magiging desisyon ng Malacañang, mananatili muna si Ramirez at ang apat na commissioners sa tungkulin upang asikasuhin ang mga programa para sa mga atleta at ng ahensiya sa kabuuan.
Nakasalalay sa Malacañang kung tatanggapin nito ang resignation letter o tuluyan nang aalisin ang limang opisyales sa kani-kanilang mga puwesto.
Magugunitang itinalaga si Ramirez sa PSC ilang araw matapos ang opisyal na pagsisimula ng termino ni Pangulong Duterte noong Hunyo 30.
Ngunit natanggap lamang ng apat na commissioners ang appointment paper noong Agosto 20.
Nagsimula na ang consultative meeting ng PSC noong nakaraang linggo na dinaluhan ng iba’t ibang lider sa sports kabilang na si eight-division world boxing champion at Sen. Manny Pacquiao.