MANILA, Philippines – Si Physical Education teacher at sports coordinator Allan Vinarao ang parang tumatayong ‘ikalawang tatay’ sa kanyang mga atleta sa Fortune Elementary School sa Marikina City.
Dahil sa pawang mahihirap ang kanyang mga atleta ay mismong ang personal na pera ang ginagastos niya para sa pagkain, sapatos at uniporme ng mga ito.
“Siyempre, wala namang mayayaman sa mga batang ‘yan eh, kaya ako na mismo ang dumudukot sa bulsa ko para may maisuot silang sapatos, uniform at pagkain kapag may training kami,” sabi ni Vinarao.
“Kumbaga, pinagkakasya ko na lang kung ano ang mayroon ako para maibigay sa kanila,” dagdag pa nito.
Sa NCR Leg ng 2016 Milo Little Olympics kahapon sa Marikina Sports Park ay tig-dalawang gintong medalya ang ibinigay sa kanya nina Katrina Lata at Rhain Amaro sa elementary athletics.
At nang isukbit ni Vinarao ang mga gold medal sa leeg ng kanyang dalawang atleta ay hindi niya maitago ang tuwa at pagmamalaki.
“First time lang naming sumali rito sa Milo Little Olympics at nanalo kaagad kami ng apat na gold,” sabi ni Vinarao. “Kaya naman talagang proud na proud ako sa kanila.”
Nagdomina si Lata sa elementary girls’ 400-meter at 800-meter run, samantalang bumandera naman si Amar sa elementary girls’ 100m hurdles at 400m hurdles bukod pa sa kanyang bronze medal sa 100m dash.
Bagama’t nasa mababang estado ng pamumuhay ay nagpursige pa rin sina Lata at Amaro para manalo sa kanilang mga events.
“Gusto ko lang umabot sila sa higher level ng competition. Kumbaga sana mapasama sila sa national team. Iyon ang pangarap ko para sa kanilang lahat,” sabi ni Vinarao.
Habang nagpapahinga sa tabi ng track oval ang kayang mga atleta ay hindi maitago ni Vinarao ang kanyang pagmamalaki.
“Sana lang maipagpatuloy nila ‘yung ginagawa nilang pagpupursige at pagtitiyaga sa training at baka balang araw ay mapanood natin silang suot ang uniform ng Philippine team,” ani Vinarao.