MANILA, Philippines - Tuluyan nang naglaho ang pag-asa ni Incheon Asian Games gold medalist Daniel Caluag na makapaglaro sa 2016 Olympic Games na gaganapin sa Agosto sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ito ay matapos ibigay ng Union Cycliste Internationale (UCI) ang huling wild card sa men’s BMX sa Indonesia.
Ang wild card ay mula sa puwestong hindi magagamit ng Brazil kaya’t nagpasya ang UCI na ipasa ito sa ibang bansa.
Nakuha ng Indonesia ang awtomatikong puwesto dahil sa mas mataas na UCI Olympic Qualification Ranking kung saan nasa ika-19 ito.
Lumahok ang Fil-Am rider sa UCI BMX World Championship na ginanap sa Medellin, Colombia, ngunit bigo itong magkwalipika sa Rio Games matapos mahulog sa ika-70 posisyon tangan ang oras na 41.237 segundo.
Lumagapak si Caluag sa world ranking dahil hindi ito nakalahok sa ilang malalaking torneo na nagbibigay ng Olympic qualifying points.
Sa women’s division, hindi rin pinalad na mabiyayaan ng wild card si Fil-Am Sienna Fines na tumapos sa ika-18 posisyon (55.047 segundo) sa parehong torneong nilahukan ni Caluag.
Nakuha ng Thailand ang Olympic slot na lumapag sa ika-11 puwesto sa UCI Olympic Qualification Ranking.
Noong 2012 London Olympics, tanging si Caluag lamang ang Asyanong nagkwalipika sa quadrennial meet.
Sa pagkakataong ito, ang Thailand at Indonesia ang natatanging Southeast Asian country na lalaban sa Rio Games.