MANILA, Philippines – Inilabas ng Racal Tile ang bangis nito nang hiyain ang AMA Online Education, 100-67, upang masungkit ang kanilang unang panalo kahapon sa 2016 PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Sa pagkawala ng top players nito, naging sandalan ng Tile Masters si Dexter Maiquez na bumanat ng 16 puntos at humataw ng siyam na rebounds habang nagdagdag si Raphael Banal ng 15 puntos.
Tumulong din si Jonathan Grey na nagsumite ng 13 puntos gayundin si Robby Celiz na may 11 puntos at anim na boards para sa Tile Masters na naglaro nang wala sina Jiovani Jalalon at Jason Perkins.
“Ang instruction ko lang sa mga players, kailangan naming manalo, lalo na sa mga ex-pro na gustongmakabalik sa PBA para naman makita ng mga teams na galing sila sa winning team,” ani coach Caloy Garcia.
Balanse ang atake ng Tile Masters na nakita sa kanilang 23 assists sa laro.
“We just emphasized on our ball movement and don’t rely on individual talent and instead on teamwork, and I think we’re sharing the ball pretty well today,” dagdag pa ni Garcia.
Nahulog sa ikalawang kabiguan ang Titans sa kabila ng pagsisikap nina John Ragasa na nagrehistro ng 16 points, apat na rebounds at tatlong assists at Ryan Arambulo na may 14 markers at limang boards.
Nagpasabog ang Tile Masters ng 16-2 run sa pagsisikap nina Maiquez at Banal upang iselyo ang 49-30 kalamangan sa pagtatapos ng first half.
Naitala pa ng Racal ang pinakamalaking abante, 35 puntos, 100-65, tampok ang isang tres mula kay Philip Paniamongan at jumper buhat kay Reneford Ruaya.
Target ng Racal na maipagpatuloy ang kanilang magandang simula sa pakikipaglaban sa Cafe France bukas sa alas-4 ng hapon.
RACAL 100 - Maiquez 16, Banal 15, Grey 13, Celiz 11, Paniamogan 9, Corpuz 7, Javier 6, Robles 5, Gabawan 4, Ortuoste 4, Ruaya 4, McCarthy 3, Terso 3, Lozada 0.
AMA 67 - Ragasa 16, Arambulo 14, Belleza 12, Publico 12, Asuncion 3, Magpantay 3, Calma 2, Macaranas 2, Je. Montemayor 2, Jo. Montemayor 1, Dizon 0.
Quarters: 23-17, 49-30, 71-45, 100-67.