Ex-PAGCOR chief, 7 pa kinasuhan ng graft

MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong pandarambong si dating Phi­lippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Efraim C. Genuino dahil sa maanomalyang direct funding assistance na P37 milyon sa Philippine Amateur Swimming Association, Inc (PASA) simula noong 2007 hanggang 2009.

Sinampahan si Ge­nuino at pitong iba pang dating opisyal ng gobyerno sa Sandiganbayan ng dalawang bilang ng kasong paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ang pondo ay ginamit sa pagbabayad sa Trace Aquatic Center (TAC) at nanggaling sa five percent gross income allotment share ng Philippine Sports Commission sa PAGCOR na dapat sana ay kasama sa perang magmumula sa National Sports Development Fund.

Ayon sa imbestigasyon, si Genuino at ang kanyang pamilya ang may-ari ng nasabing training facility.

Ang iba pang dawit sa kaso ay sina dating PAGCOR president at chief operations officer Rafael A. Francisco, dating PAGCOR senior vice president Edward King, da­ting PAGCOR executive vice president Rene C. Figueroa, dating PAGCOR vice president Ester P. Hernandez, dating PAGCOR assistant vice president Valente C. Custodio, dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman William I. Ramirez at dating PASA head Mark P. Joseph.

Si Genuino ay sinampahan din ng hiwalay na kaso ng paglabag sa Section 3 (h) ng RA 3019.

Mga tsekeng nagkakahalaga ng P37,063,488 ang inilabas ng PAGCOR sa PASA sa pagitan ng April 2007 hanggang August 2009 para sa programa ng PAGCOR na nagpopondo sa training ng mga swimmers na lalahok sa 2012 Olympic Games sa London.

Sinabi ng Ombudsman na ang paglalabas ng dalawang pondo ay maanomalya dahil hindi ito dumaan sa Board of Directors ng PAGCOR.

Show comments