MANILA, Philippines – Nasungkit ni Warren Kiamco ang kanyang ikalawang korona sa taong ito matapos mamayagpag sa 2016 Omega Billiards Tour 9-Ball Championship na ginanap sa JR Pockets sa Denton, Texas sa USA.
Pinasadsad ng Guangzhou Asian Games silver medalist na si Kiamco ang Amerikanong si Robert Clark sa finals sa bisa ng 9-7 panalo.
Nakamit ni Kiamco ang $1,000 premyo habang nagkasya sa $610 konsolasyon si Clark.
Nakapasok si Kiamco sa finals matapos patumbahin si Jay Murillo sa semifinals sa iskor na 9-3.
Kabilang sa mga pinatalsik ng Pinoy cue masters sina Jay Brotherton sa first round, 9-3; Jeff Georges sa second round, 9-4; Jordan Gartenberg sa third round, 9-2; Hector Guerrero sa fourth round 9-2 at Cory Anderson sa quarterfinals, 9-5.
Nagkampeon kamakailan si Kiamco sa 2016 New Orleans 8-Ball Open na ginanap sa Louisiana.
Umangat sa ika-24 puwesto si Kiamco sa Money List tangan ang kabuuang $11,155 na kinita sa taong ito.
Nasa ikalawang puwesto si Alex Pagulayan na may apat na titulo para makalikom ng tumataginting na $57,242 habang ikaanim naman si Dennis Orcollo na umani rin ng apat na titulo tungo sa $36,225.