MANILA, Philippines - Nakabangon mula sa masaklap na second set si Alberto Lim Jr. upang hatakin ang 6-1, 3-6, 6-2 panalo laban kay Constantin Bittoun Kouzmine ng France sa pagsisimula ng 2016 French Open juniors singles sa Stade Roland Garros sa Paris, France.
Nagtala ng tatlong aces at tatlong winners si Lim habang nakakuha ito ng limang break points kabilang ang dalawang krusyal sa third set na siyang nagtakda ng momento para makuha ng Pinoy netter ang panalo.
Subalit daraan sa matinding pagsubok ang 15-anyos na si Lim dahil makakaharap nito sa second round si World No. 3 Ulises Blanch ng US na galing sa kampeonato sa 57° Trofeo Bonfiglio sa Milan, Italy noong nakaraang linggo.
Naitarak ni Blanch ang mabilis na 6-2, 6-2 panalo laban kay Duarte Vale ng Portugal sa kanilang first-round match.
Sa kabilang banda, namaalam na sa kontensiyon sina Filipino-American Treat Huey at Belarusian Max Mirnyi sa men’s doubles event.
Lumasap sina Huey at Mirnyi ng 4-6, 4-6 kabiguan laban kina French duo Julien Benneteau at Edouard Roger-Vasselin sa third round.
Malakas na puwersa ang inilatag nina Benneteau at Roger-Vasselin na humataw ng 72 winners kasama ang apat na aces kumpara sa 62 lamang nina Huey at Mirnyi na nakagawa pa ng tatlong double faults.
Gayunpaman, mag-uuwi sina Huey at Mirnyi ng 37,000 Euros na konsolasyon sa kanilang pagtuntong sa third round.
Natigil naman ang laro nina Huey at Slovenian partner Andreja Klepac kontra kina fifth seeds Bruno Soares ng Brazil at Elena Vesnina ng Russia sa mixed doubles dahil sa pagbuhos ng ulan.(CCo)