MANILA, Philippines – Maagang nagparamdam ng lakas ang national karatedo team nang angkinin nito ang isang ginto, dalawang pilak at isang tansong medalya sa pagsisimula kahapon ng 2016 Vietnam Open Karatedo Championship na ginaganap sa Thanh Hoa Sport Training and Competition Center sa Vietnam.
Bumandera sa kampanya ng Pilipinas sina gold medalist Jaime Enrique Villegas at silver winner Cris Kawaen na nasiguro ang 1-2 finish sa male individual kata junior.
Naiselyo ng dalawa ang all-Filipino finale kung saan tinalo ni Villegas sina Bingo Chan Chi Wa ng Hong Kong sa first round (3-0) at Nguyen Huu Phi Tuan (2-0) sa semifinals habang namayani naman si Kawaen kina Vietnamese fighters Nguyen Viet Thanh sa first round (3-0) at Pham Huu Hoang sa semifinals (3-0).
Nakasiguro naman ng pilak na medalya si Orencio James Delos Santos sa men’s individual kata matapos matalo kay Fidelys Lolobua ng Indonesia sa gold-medal match.
Nakapasok sa finals si Delos Santos nang gapiin nito sina Lurong Van Hoan ng Vietnam sa first round (3-0), Lee Seungseop ng South Korea sa quarterfinals (2-1) at Kuok Kin Hang ng Macau sa semis (2-1).
Ang tansong medalya ay buhat kay Leigh Angela Cuadra na nakuha nito sa female individual kata junior.
“Maganda ang resulta namin ngayon dahil last time na nag-Vietnam Open kami we only have one silver and four bronzes. But now, first day pa lang ng campaign, may gold medal na kami kaya mas maganda ang laban namin ngayon,” wika ni Philippine Karatedo Federation secretary general Raymund Lee Reyes.
Magtatangka pang humirit ng medalya para sa Pilipinas sina Villegas (61 kgs. kumite junior), Kawaen (55 kgs. kumite junior), Cuadra (59 kgs. kumite junior), Rexor Romanquin (men’s kumite 67 kgs.), Bryan Fontillas (men’s kumite 84 kgs.), Mae Soriano (women’s kumite 55 kgs.), Kristina Charisse Santiago (women’s kumite 50 kgs.), Randy Stefano Padua Jr. (male 76 kgs. junior), Marie Angelique Aguilar (female 53 kgs. juniors) at sina John Enrico Vasquez, Andrei Mel Dela Cruz at Andrei Carl Dela Cruz na sasalang sa cadet.