Huey-Mirnyi tandem pasok sa semis

MANILA, Philippines - Umusad sa semifinals ang tambalan nina Filipino Treat Conrad Huey at Bela­rusian Max Mirnyi matapos magtala ng impresibong panalo sa quarterfinals ng ATP World Tour-Barcelona Open Banc Sabadell sa Barcelona, Spain.

Ginulantang nina Huey at Mirnyi sina fourth seeds Rohan Bopanna ng India at Jean-Julien Rojer ng Netherlands sa pamamagitan ng 7-6 (5), 6-4 panalo habang namayani rin ang mga ito kina Robert Linds­tedt ng Sweden at Ale­xander Peya ng Austria, 7-6 (5), 3-6, 10-7, sa first round.

Makakasagupa nina Huey at Mirnyi sa semis sina many-time Grand Slam winners Bob Bryan at Mike Bryan ng Amerika na nagtala ng agresibong 6-3, 6-3 panalo laban kina Poland pair Lukasz Kubot at Marcin Matkowski sa quarterfinals at 6-2, 6-1 pananaig kina Benoit Paire ng France at Viktor Troicki ng Serbia sa first round.

Sa kanilang pagpasok sa semis, nakasisiguro na sina Huey at Mirnyi ng tumataginting na $33,520 premyo at 180 ATP points.

Nakalaan ang $143,000 premyo at 500 ATP points para sa magkakampeon habang ang runner-up ay magbubulsa ng $68,000 at 300 points sa naturang clay-court tournament.

Ang torneo ay bahagi ng paghahanda nina Huey at Mirnyi para sa prestihiyosong 2016 French Open  sa Mayo 16 hanggang Hunyo 5 sa Paris, France. (CCo)

Show comments