MANILA, Philippines - Uuwi ang Pinoy paddlers bitbit ang tumataginting na siyam na ginto, dalawang pilak at isang tansong medalya sa prestihiyosong 2016 IDBF World Club Crew Dragon Boat Championships na ginanap sa Ramsay Regatta Course sa Adelaide, Australia.
Sa huling araw ng kumpetisyon, nakasiguro pa ang Pilipinas ng dalawang ginto at isang pilak mula sa Philippine Army Dragon Warriors at Philippine Coast Guard Dragon Boat Team.
Matagumpay na naipagtanggol ng Dragon Warriors ang kanilang korona sa 200m small boat premier open nang irehistro ang 48.003 segundo habang pumangalawa naman ang Coast Guard na nagtala ng 48.423 segundo.
Ibinulsa naman ng Canada-Pickering Dragon Boat Club ang tansong medalya bunsod ng naitala nitong 50.415 segundo sa torneong inorganisa ng International Dragon Boat Federation.
Bumawi ang Coast Guard nang mamayagpag sa 200m small boat women’s premier sa bilis na 56.561 segundo, sapat upang pigilan ang pagtatangka ng New Zealand-Hamilton City Water Sports na nagsumite ng dikit na 56.865 segundo para sa pilak na medalya at Singapore Paddle Club na may 56.941 para naman sa tanso. (CCo)