LAS VEGAS--Dalawang araw bago ang kanilang ikatlong laban ni Timothy Bradley ay hindi pa rin mapigilan sa pag-eensayo si Manny Pacquiao.
Nagtungo si Pacquiao sa Top Rank Gym mula sa kanyang hotel para magpapawis 48 oras bago kumpletuhin ang kanilang trilogy ni Timothy Bradley sa MGM Grand.
Noong Huwebes ng umaga ang dapat na huling ensayo niya, ngunit tumakbo pa rin siya ng 20 minuto sa UNLV track oval at gusto pang magkaroon ng light afternoon workout sa gym kinahapunan.
Pero tumanggi na si chief trainer Freddie Roach na gawin ito ni Pacquiao.
“He said he wanted to shadow-box,” sabi ni Roach kay Pacquiao. “We didn’t want him to overdo things.”
Dumating si Pacquiao sa gym ng alas-3 ng hapon at kaagad dumiretso sa dressing room.
Naghintay naman ang mga miyembro ng Philippine media at ilang kaibigan ni Pacquiao sa labas.
Matapos ang ilang minuto ay lumabas si Pacquiao ng dressing room na nakasuot ng jeans at training jacket.
Hindi natuloy ang kanyang pagpapapawis.
Nagtungo si Pacquiao sa kanyang suite sa 60th floor ng Mandalay Bay Delano at nagpahinga bago pamunuan ang kanyang grupo para sa isang bible study.
Bago maghapunan ay naglabasan na ang mga nasa loob ng suite at sinabihang hindi magkakaroon si Pacquiao ng autograph signing.
Normal na makikita si Pacquiao sa gym tatlong araw bago ang kanyang laban para sa isang light training.
Ngunit hindi ito nangyari ngayon.
Ang official weigh-in ay nakatakda ngayong alas-2:30 ng hapon at nahihirapan si Pacquiao na makuha ang welterweight limit na 147 pounds.
Ayon kay assistant trainer Buboy Fernandez, tumitimbang si Pacquiao ng 142 pounds at kung nag-ensayo siya ay maaaring mas gumaang pa siya.
“Ayaw na namin baka masunog na,” sabi ni Fernandez.
Sinabi ni Roach na naabot na ni Pacquiao ang kanyang tamang kondisyon sa kanilang training noong nakaraang linggo sa Los Angeles.