MANILA, Philippines – Gumawa ng ingay si Nate Diaz nang gulantangin nito si Conor McGregor sa pamamagitan ng submission sa second round ng kanilang bakbakan sa Ultimate Fighting Championship (UFC) 196 na ginanap sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada kahapon.
Umangat sa 20 panalo at 10 talo ang rekord ng 30-anyos na si Diaz ngunit wala itong napanalunang titulo dahil ang kanilang bakbakan ay isang non-title fight.
Sa katunayan, naging kapalit lamang si Diaz ni UFC lightweight champion Rafael Dos Anjos na siyang orihinal na makakalaban ni McGregor.
Subalit nagtamo ng injury si Dos Anjos ilang linggo bago ang laban.
“I thought I landed with some good punches that got him off (his game). I started off slow, but I’m faster than anyone later on. My jiu-jitsu is always there for me,” wika ni Diaz.
Kontrolado ni McGregor ang laban matapos paduguin ang mukha ni Diaz sa unang yugto ng bakbakan. Ngunit nakakuha ng tamang tiyempo si Diaz sa sumunod na kanto para pigilan ang matikas na kamada ni McGregor at maitala ang upset win.
Ito ang unang kabiguan ni McGregor sa anim na taon para mahulog sa 19-3 marka.
Umiskor din ng impresibong panalo si Miesha Tate nang patumbahin nito si Holly Holm upang maagaw ang women’s bantamweight title.
Gumanda sa 18-5 ang rekord ni Tate habang nalasap ni Holm ang kanyang unang kabiguan para sa 10-1 kartada.
Magugunitang sumikat ng husto si Holm matapos itala ang knock out win laban kay Ronda Rousey sa second round ng kanilang UFC bantamweight fight noong nakaraang taon.