La Salle, UP target ang 2-0 record

Laro Ngayon

(Philsports Arena)

8 a.m. – AdU

vs UE (Men)

10 a.m. – FEU

vs Ateneo (Men)

2 p.m. – UP

vs DLSU (Women)

4 p.m. – NU

vs AdU (Women)

 

MANILA, Philippines – Mag-uunahan ang University of the Philippines at De La Salle University na makuha ang ikalawang sunod na panalo sa kanilang pag­haharap ngayong ha­pon sa UAAP Season 78 women’s volleyball  tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.

Magpapang-abot ang Lady Maroons at Lady Spi­kers sa alas-2 ng hapon, habang aarangkada rin ang bakbakan ng Adamson University  at National University sa alas-4 ng ha­pon.

Nakatali sa four-way tie ang UP, La Salle, Adamson at defending champion Ateneo de Manila University sa unahan ng team standings matapos kub­rahin ang kani-kanilang unang panalo (1-0).

Maganda ang naging simula ng UP nang patumbahin nito ang University of the East sa bisa ng 25-20, 25-13, 25-21 panalo.

Sina Nicole Tiamzon, Kathy Bersola at Marian Buit­re ang pangunahing pi­nagkukunan ng lakas ng Lady Ma­roons kasama ang matitikas na rookies na sina Isa Molde, Justine Dorog at Diana Carlos.

Ngunit masusubukan ang tunay na lakas ng Lady Maroons sa pagharap nito laban sa Lady Spikers na isa sa mga pinakasolidong lineup sa taong ito.

“Against La Salle, hindi puwede kaming maraming ser­vice errors and we have to execute well,” ani Lady Maroons’ coach Jerry Yee.

Galing din ang La Salle sa 29-27, 25-23, 25-20 panalo  kontra Far Eas­tern University noong Mi­yerkules kung sa­an na­silayan ang pagbabalik-aksyon ni dating UAAP MVP Ara Galang.

Bagama’t ingat sa kanyang pagtalon, na­gawa pa rin ni Galang na makapag­lista ng 10 puntos  kasama ang 5 digs.

Show comments