MANILA, Philippines – Sumailalim sa matinding pagsasanay ang Philippine Swimming League (PSL) tankers na sasabak sa 2016 Tokyo Invitational Swimming Championship na nakatakda sa Pebrero 4 hanggang 10 sa Japan.
Mismong si PSL President Susan Papa ang nanguna sa training camp kung saan tinutukan nito ang pagtatama sa stroke kasabay ng pagbibigay ng tamang teknik upang mas maging magaan ang paglangoy ng mga ito sa kumpetisyon.
“May mga strokes sila na mali. Itinama lang namin para mag-improve ang mga times nila. Sumusunod din kami sa international standards dahil ang international level ang ginagawa namin sa mga local competitions namin para pagdating sa mga competitions abroad, hindi kami naninibago,” pahayag ni Papa na ilang dekada ring naging miyembro ng Pambansang koponan.
Kabilang sa mga nagsanay sina UAAP Season 78 gold medalist Drew Benett Magbag ng University of the Philippines Integrated School, Swimmer of the Year candidates Sean Terence Zamora at Jux Keaton Solita ng University of Santo Tomas, Marc Bryan Dula ng Weissenheimer Academy at Lans Rawlin Donato ng UP, Female PSL Swimmer of the Year top candidate Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque, Singapore Invitational Swimming Meet medalist Joey del Rosario ng De La Salle Santiago Zobel School, Martin Pupos ng National University at sina Lowenstein Julian Lazaro at John Leo Paul Salibio.
“Malalakas ang mga makakalaban natin sa Japan kaya gusto kong maging physically at mentally ready ang mga bata. Palaban ang mga ito at naniniwala ako na kaya nilang makipagsabayan,” dagdag pa ni Papa.
Bukod sa host Japan, lalahok din ang mahuhusay na tankers mula sa China, United States, Great Britain, Netherlands at Germany.