MANILA, Philippines – Maningning na sinimulan ng nagdedepensang Ateneo ang kampanya nito matapos lugmukin ang National University sa bisa ng 25-21, 25-19, 25-14 panalo kahapon sa UAAP Season 78 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Gaya ng inaasahan, minanduhan ni two-time Most Valuable Player Alyssa Valdez ang kampanya ng Lady Eagles nang bumira ito ng 18 puntos mula sa 15 atake at tatlong aces.
“Iba na ang mga kasama ko ngayon and they played really well. I’m so proud of them,” ani Valdez na nakakuha ng sapat na suporta mula kina middle hitters Madelaine Madayag at Bea De Leon na naglista ng pinagsamang 23 puntos.
Nanguna para sa Lady Bulldogs sina Myla Pablo at Jaja Santiago na may tig-11 puntos.
Umariba rin ang University of the Philippines nang pasadsarin nito ang University of the East, 25-20, 25-13, 25-21 para makuha ang 1-0 panimula.
Nagtala sina Justine Dorog, Diana Mae Carlos at Nicole Anne Tiamzon ng tigsi-siyam na puntos habang nagdagdag si middle blocker Kathy Bersola ng pitong puntos para pamunuan ang Lady Maroons.
Nakapaglista ang UP ng 38 atake kumpara sa 27 lamang ng UE. Tanging pitong puntos lamang ang naitarak ni Shaya Adorador para sa Lady Warriors.
Sa men’s division, sumandal ang defending champion Ateneo kay reigning two-time Most Valuable Player Marck Jesus Espejo para kunin ang 25-21, 25-18, 29-27 panalo laban sa University of Santo Tomas.
Humakot ng kabuuang 17 puntos si Espejo habang nagdagdag ng tig-11 sina Rex Intal at Wilson Marasigan upang dalhin ang Blue Eagles sa 1-0 rekord.
Naglatag naman si Season 77 Finals MVP Ish Polvorosa ng 31 excellent sets.
Wagi rin ang Far Eastern University kontra naman sa University of the Philippines, 25-23, 26-24, 25-23, tampok ang 12 puntos mula kay Jeric Gacutan at walo buhat kay Greg Dolor.