Alcantara-Rungkat duo puntirya ang korona

MANILA, Philippines – Tatangkain nina Filipino Francis Casey Alcantara at Indonesia Christopher Rungkat na masungkit ang kanilang kauna-unahang ATP doubles title sa pakikipagtuos nito sa second-seed tandem ngayong umaga sa  $75,000 ATP Challenger Philippine Open sa Rizal Memorial Tennis Center.

Makakasagupa nina Alcantara at Rungkat sa finals sina Johan Brunstrom ng Sweden at Frederik Nielsen ng Denmark na nagtala ng 6-3, 6-7 (8), 10-7 panalo laban kina Maximilian Neuchrist ng Austria at Divij Sharan ng India sa semifinals.

Matikas ang kampanya nina Alcantara at Rungkat sa torneo matapos gibain sina top seeds Ilija Bozoljac ng Serbia at Andreas Siljestrom ng Sweden sa first round at sina Marco Chiudinelli ng Switzerland at Lucas Lacko ng Slovakia sa quarterfinals.

Awtomatiko namang nakahirit ng puwesto sa finals sina Alcantara at Rungkat nang mag-withdraw sina fourth seeds Sonchat Ratiwatana at Sanchai Ratiwatana sa semis dahil sa pagkamatay ng kanilang lola.

Agad na bumalik sa Thailand ang magkapatid na Thai netters upang makasama ang kanilang pamilya.

Ang magkakampeon sa doubles ay tatanggap ng $4,650 premyo habang ang runner-up ay magkakamit ng $2,700 konsolasyon.

Show comments