NEW YORK CITY-- Binigyan na si Manny Pacquiao ng ‘go signal’ para labanan si Timothy Bradley sa ikatlong pagkakataon sa Abril 9 sa MGM Grand.
Ito ay matapos bumisita si Pacqiao sa kanyang doctor sa Los Angeles noong Martes at umalis sa clinic na maganda ang kondisyon ng kanyang kanang balikat na inoperahan noong Mayo.
“Ready to go. Ready to fight,” sabi ni Pacquiao sa check-in counter ng Los Angeles International Airport noong Miyerkules ng hapon.
Matapos ang unang press conference sa Beverly Hills Hotel ay binisita ni Pacquiao si Dr. Neal Elattrache, ang specialist na nanguna sa surgery.
“Okay naman. Pinagalaw-galaw lang,” wika ni Pacquiao, nakipaglaro ng basketball sa kanyang mga kaibigan sa isang local high school gym, sa nangyari sa kanyang pagdalaw sa clinic ni Elattrache.
“The doctor was very pleased and very surprised with the recovery. He has placed no restrictions on Manny,” wika naman ni Canadian adviser Michael Koncz. “It’s a hundred percent.”
Bumiyahe ang grupo ni ‘Pacman’ ng limang oras sakay ng Virgin America flight patungong New York para sa ikalawa at huling bahagi ng kanilang press tour eksaktong 79 araw para sa kanilang ikatlong paghaharap ni Bradley.
Ang huling press conference ay nakatakda sa Huwebes sa Madison Square Garden at itinakda ng mas maaga ang mga media interviews sa dalawang boxers at sa kanilang mga trainers.
Babalik sa Pilipinas si Pacquiao sa Biyernes ng umaga at maaaring dumating sa Manila ng alas-8:30 ng Sabado ng umaga.
Ang pakikipagharap muli kay Bradley ang pang-66 at huling laban ni Pacquiao.