MANILA, Philippines - Ibinaon ng Arellano University ang San Beda College sa bisa ng impresibong 2-0 pagblanko upang masungkit ang kampeonato sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 91 football tournament kahapon sa Rizal Memorial Football Stadium.
Ito ang kauna-unahang korona ng Arellano sapul nang sumali ito sa liga noong 2009. Mayroon din itong dalawang runner-up finishes noong 2013 at 2014 edisyon.
“Matagal naming hinintay ito kaya sobrang saya namin. Sobrang sarap ng panalo namin dahil talagang pinaghirapan namin ito. Nagbunga ang lahat ng pagsisikap namin sa training,” wika ni Arellano head coach Ravelo Saluria.
Mainit ang bakbakan ng Arellano at San Beda sa pagsisimula ng laban bago maitarak ni Charles Gamutan ang unang goal ng Chiefs sa ika-34 minuto.
Hindi agad sumuko ang Red Lions matapos ilatag ang matinding ratsada sa second half ngunit agad itong nasasawata ng Chiefs sa pangunguna ng matikas na depensa ni goal keeper Jericho Desalisa.
Higit pang pinalubog ng Arellano ang San Beda nang isalpak ni Jumbeng Guinabang ang ikalawang goal sa ika-82 minuto para tuluyang hubaran ng korona ang Red Lions.
Hinirang na Most Valuable Player at Best Midfielder si Guinabang habang ginawaran ng Best Defender award si Patrick Bernarte.
Nakuha naman ni Stephen Abriol ng San Beda ang Golden Boot award habang ang katropa nitong si Michael Yuvienco ang nakasungkit ng Golden Glove trophy.