MANILA, Philippines - Kinailangan ni Chinese Li Zhe ng matinding puwersa sa third set bago hatakin ang 6-3, 3-6, 6-4 panalo laban kay Italian Lorenzo Guistino sa pagsisimula ng main draw ng $75,000 ATP Challenger Philippine Open 2016 kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Bumangon mula sa 3-4 pagkakalugmpok ang 29-anyos na si Li gamit ang kanyang matutulis na baseline attack at malalakas na serves upang pigilan si Gustino sa larong tumagal ng halos dalawang oras.
Umusad sa second round si Li kung saan makakasagupa nito ang magwawagi sa pagitan nina eight seed Somdev Devvarman ng India at Oriol Batalla Roca ng Spain.
Nakatakda ring makasagupa ni Philippine Columbian Association Open champion Alberto Lim Jr. si David Guez ng France Lunes ng gabi.
Kasama ni Lim sa kampanya sina dating Australian Open junior doubles champion Francis Casey Alcantara, dating Australian Open juniors singles quarterfinalist Jeson Patrombon at Davis Cup veteran Ruben Gonzales.
Makakaharap ni Patrombon si fifth seed Kimmer Coppejans ng Belgium habang sasagupain ni Alcantara si Amir Weintraub ng Israel.
Lalarga naman si Gonzales kontra kay seventh seed Igor Sijsling ng Netherlands.