MANILA, Philippines - Puspusan na ang paghahanda para sa pagtataguyod ng Pilipinas ng prestihiyosong 6th World University Cycling Championship na idaraos sa Tagaytay City mula Marso 16 hanggang 20.
Ayon kay Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) cycling association chief Christian Tan, darating sa bansa ang pinakamahuhusay na collegiate cyclists mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
“We are now in deep preparation for the World University Cycling Championship. We want to welcome our guest with open arms, we want to share our culture especially the Filipino hospitality,” ani Tan.
Ipatutupad ng FESSAP ang mahigpit na patakaran na nakalinya sa regulasyon ng International University Sports Federation (FISU) - ang international federation na humahawak sa World University Games.
Pumasa sa panuntunan ng FISU ang venue na gagamitin sa naturang torneo matapos ang isinagawang ocular inspection nina FISU officials Paulo Ferreira at Luis Miguel Loureiro noong nakaraang taon.
Isasabak ng FESSAP ang 12 siklista - anim sa road race at anim sa mountain bike.
Maliban sa World University Cycling Championship, pinaghahandaan din ng FESSAP ang pagsabak nito sa 1st Asian University Road Cycling Championship na gaganapin naman sa Chang-Nyeong, Korea mula Hulyo 24 -25.