Simula na ang mabigat na laban ng Pinoy netters

MANILA, Philippines - Makikipagsabayan ang mga Pinoy netters laban sa matitikas na manlalaro sa mundo sa paglarga ngayong umaga ng main draw ng ATP Challenger Philippine Open sa Rizal Memorial Tennis Center.

Pangungunahan nina Filipino-American Ruben Gonzales, dating Australian Open juniors doubles champion Francis Casey Alcantara,  Australian Open juniors singles quarterfina­list Jeson Patrombon at PCA Open champion Alberto Lim Jr. ang kampanya ng Pilipinas sa naturang torneo na may nakalaang $75,000 papremyo.

“One game at a time lang. Ibibigay ko lang yung best ko kasi nothing to lose naman ako rito. Magandang experience ito para sa akin,” pahayag ni Lim na kasalukuyang ika-12 sa International Tennis Federation juniors world ranking.

Makakatipan ni Lim sa first round si David Guez ng France habang makakaharap naman ni Patrombon si fifth seed Kimmer Coppejans ng Belgium.

Nakatakda namang sagupain ni Alcantara si Amir Weintraub ng Israel habang matinding pagsubok din ang pagdaraanan ni Gonzales na makikipagtuos kay seventh seed Igor Sijsling ng Netherlands.

Ang iba pang larong masisilayan sa opening day ay sa pagitan nina top seed Luca Vanni ng Italy at Federico Silva ng Portugal, No. 2 Mikhail Youzhny ng Russia at Jason Jung ng Chinese-Taipei, No. 4 Go Soeda ng Japan at Roberto Marcora ng Italy at No. 8 Somdev Devvarman ng India at Oriol Roca Batalla ng Spain.

Nakalaan ang tuma­taginting na $10,800 para sa magkakampeon habang may $6,360 naman ang runner-up, at tig- $3,765 para sa semifinalists.

Show comments