Krusyal na laban! Beermen vs Elasto Painters sa Game 6

Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)

7 p.m. San Miguel vs Rain or Shine (Game 6, semis)

MANILA, Philippines – Kung ayaw ng Beermen na malagay sa balag ng alanganin ang kanilang hangad na ika-36 finals appearance para puntiryahin ang pang-22 PBA cham­pionship ay dapat na nilang tapusin ang Elasto Painters ngayong gabi.

“Oo naman kasi mahirap kalaban ang Rain or Shine eh,” sabi ni one-time MVP Arwind Santos matapos ang 103-94 panalo ng nagdedepensang San Miguel laban sa Rain or Shine sa Game Five ng kanilang semifinals series para sa 2016 PBA Philippine Cup noong Miyerkules.

Hawak ang malaking 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven semifinals showdown, tatargetin ng Beermen ang ikalawang finals berth sa pagsibak sa Elasto Painters sa Game Six ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Kung mananalo ang San Miguel sa Rain or Shine ay mapaplantsa nila ang finals rematch sa Alaska para sa best-of-seven championship series.

Pinatumba ng Beermen ang Aces  sa nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup Finals.

“This is a series,” sabi ni coach Leo Austria sa kanyang San Miguel.

Nauna nang kinuha ng Alaska ang unang finals berth matapos sibakin ang Globalport, 4-1, sa kanilang semifinals duel para pumasok sa ika-29 finals stint at target ang pang-15 korona.

Sina back-to-back MVP June Mar Fajardo, AlexCabagnot, Marcio Lassiter, Chris Lutz, Chris Ross at Santos ang muling aasahan ng Beermen katapat sina Jeff Chan, Beau Belga, JR Quiñahan, Jericho Cruz, Gabe Norwood at rookie Maverick Ahanmisi ng Elasto  Painters.

Show comments