MANILA, Philippines – Alam ni Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Manny Pacquiao, kung sino ang mag-aakyat ng malaking pera para sa Filipino world eight-division champion.
Pinili ni Pacquiao si Timothy Bradley Jr. na muling labanan sa ikatlong pagkakataon bagama’t marami ang nagtaas ng kilay.
Ayon kay Koncz, sa hanay nina Bradley, Terrence Crawford at Amir Khan, ang World Boxing Organization welterweight titlist ang mas hahakot ng maraming pay-per-view buys sa kanilang laban ni Pacquiao.
“We looked at what was the best financial package for Manny and I was dealing with Amir Khan. I kept him posted as much as I could. I even let him know what we had to pay Bradley to fight in the hopes that he may become more realistic in his purse,” sabi ni Koncz sa panayam ng BoxingScene.com.
Tatanggap si Pacquiao ng guaranteed purse na $20 milyon para sa kanilang ikatlong paghaharap ng 33-anyos na si Bradley.
Nakipag-usap din si Koncz kay Adrian Broner para labanan si ‘Pacman’.
Gagawin ni Pacquiao ang kanyang magiging pinakahuling laban kay Bradley sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Matapos ang naturang ‘trilogy’ kay Bradley ay tuluyan nang tututukan ng 37-anyos na si Pacquiao ang kanyang political career kung saan siya kakandidato bilang Senador sa national elections sa Mayo.
Tinalo ni Bradley si Pacquiao via split decision noong Hunyo ng 2012 at nakaganti naman ang Filipino boxing superstar sa kanilang rematch nang kunin ang unanimous decision win noong Abril ng 2014.