MANILA, Philippines – Siyam na atleta pa ang balak ng Philippine Sports for the Differently Abled-NPC Philippines na maipadala para sa 2016 Paralympics sa Brazil.
Sa kasalukuyan, apat na Pinoy bets ang nakakuha na ng tiket para sa Rio Olympics.
Ito ay sina Ernie Gawilan sa swimming, Andy Avellana at Jerrold Mangliwan sa athletics at Josephine Medina sa table tennis.
Labing-anim pang atleta ang magtatangkang makapasa sa qualifying meets sa mga susunod na buwan.
“Last time in London, we had nine athletes in four sports. We’re hoping to send at least the same number of athletes to Rio in hopefully five sports,” sabi ni Philspada-NPC executive director Dennis Esta.
Nakuha nina Gawilan (400-meter at 100-meter freestyle men’s S8), Avellana (high jump men’s F42/44) at Mangliwan (T52 wheelchair racing) ang qualifying standard sa kanilang mga events noong 2015 Asean Para Games sa Singapore.
Si Medina, fourth placer sa individual C8 event noong London Games, ay nakalikom naman ng sapat na puntos para muling makalaro sa Paralympics.
“There’s no formal confirmation yet but we were told they have already qualified,” wika ni Esta.
Hangad din ni powerlifter Adeline Ancheta, bronze medalist sa Sydney Olympics, na muling makalaro sa Paralympics sa kanyang paglahok sa Powerlifting World Cup sa susunod na buwan sa Kuala Lumpur kasama sina London veterans Achele Guion at Agustin Ditan.
“According to the IPC Powerlifting, Adeline has a strong chance of qualifying in the +86 kg category; she just needs to perform in Kuala Lumpur,” ani Esta. (OL)