MANILA, Philippines – Muling pararangalan ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang mga naging pinakamahusay na atleta noong 2015 sa pagdaraos ng traditional na Annual Awards Night sa Feb. 13 sa One Esplanade sa Pasay City.
Itatampok sa formal affair na inihahandog ng MILO at San Miguel Corp. ay ang paghirang sa Athlete of the Year award na napanalunan ni BMX rider Daniel Caluag noong 2014 dahil sa pagsikwat sa natatanging gold medal ng bansa sa Asian Games sa Incheon, South Korea.
Ilang prominenteng personalidad mula sa iba’t ibang sports ang pinagpipilian para sa Athlete of the Year trophy na iginagawad ng pinakamatandang media fraternity na nasa ika-67 taon ngayon.
Ipamimigay din ang mga major awardees at citations sa mga athletes, entities at organizations na nagbigay ng karangalan sa bansa sa nakaraang taon.
Paparangalan din ang mga gold medal winners ng nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Ibabahagi rin ng PSA, sa ilalim ng presidente nitong si Riera Mallari ng Manila Standard, ang President’s Award, Executive of the Year, National Sports Association of the Year, Lifetime Achievement Award at Posthumous.
Ang iba pang ibibigay ay ang Tony Siddayao Awards para sa mga outstanding athletes na may edad 17-anyos pababa at ang MILO Outstanding Athletes for boys and girls.