Ateneo gustong makabawi sa NU sa UAAP junior cagefest

Laro Ngayon

(The Arena)

9 a.m.  UE vs UST

11 a.m.  Ateneo vs NU

1 p.m.  AdU vs UE

3 p.m.  FEU vs DLSZ

 

MANILA, Philippines – Magtutuos ang Natio­nal University at defending champion Ateneo de Manila University ngayong umaga sa pagbabalik-aksiyon ng UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Nakumpleto ng Bull­pups ang seven-game sweep sa first round matapos kubrahin ang 73-60 panalo laban sa Blue Eaglets noong Disyembre 12.

Kaya’t inaasahang mas magiging matindi ang bakbakan sa pagkakataong ito dahil nais ng Ateneo na makaresbak sa NU sa kanilang laban na nakatakda sa alas-11 ng umaga.

Maghaharap naman sa hiwalay na bakbakan ang De La Salle-Zobel at Far Eastern University-Diliman sa alas-3 ng hapon habang titipanin ng Adamson University ang University of the East sa ala-una ng hapon.

Unang aarangkada ang duwelo ng UST at UP Integ­rated School sa alas-9 ng umaga.

Magiging matatag na sandalan ng Bullpups si 6-foot-4 Justine Baltazar na nagsumite ng double-double 18 points at 16 rebounds kasama ang limang blocks laban sa Eaglets gayundin si John Lloyd Clemente na umiskor din ng 18 puntos.

Umaasa naman ang Ateneo na makababalik sa porma si Season 77 Finals Most Valuable Player Jolo Mendoza na nagtamo ng injury sa kanilang huling laro.

Kasalo ng Eaglets ang Junior Archers sa ikalawang puwesto tangan ang parehong 5-2 marka habang magkasosyo sa ikaapat ang Baby Tamaraws at Baby Falcons na may magkatulad na 4-3.

Show comments