12 coaches tinapik ng PATAFA para palakasin ang national team

MANILA, Philippines – Nagtalaga ang Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ng 12 coaches upang masiguro na natututukan ang bawat miyembro ng Pambansang koponan na sasabak sa iba’t ibang international tournaments sa taong ito.

Mangunguna sa coaching staff ang mga dati nang miyembro na sina Dario de Rosas, Sean Guevarra,  Lui­sito Artiaga, Jeoffrey Chua, Joebert Delicano, Emerson Obiena at Lerma Bulauitan-Gabito.

Nadagdag sa listahan sina dating Southeast Asian Games medalists Arnel Ferrera, John Lozada, Rene Herrera at Danilo Fresnido habang naalis sina Roy Vence, Mario Castro, Arnold Villarube, Agustin Jarina, Nixon Mas at Ernie Candelario.

Magbabalik naman para gabayan ang Pinoy tracksters ang beteranong si Jojo Posadas na asawa ni Elma Muros-Posadas.

“Masaya ako na muling makatulong sa national team, makadiskubre ng mga bagong talento na huhubugin para sa mga international tournaments na sasalihan ng team sa mga darating na panahon,” sambit ni Posadas.

Ilan sa mga ginabayan ni Posadas ay sina Fidel Gallenero, Christopher Ulboc, Jeson Cid at Mercedita Manipol.

Naging-abala si Posadas sa paggabay sa Jose Rizal University kung saan tinulungan nito ang Heavy Bom­bers na masungkit ang limang sunod na titulo sa National Collegiate Athletic Association.

Nakatakdang lumahok ang athletics team sa ilang Olympic qualifying tournaments sa taong ito upang madagdagan ang tiket ng Pilipinas sa Rio Games.

Sa kasalukuyan, tanging si Filipino-American Eric Shauwn Cray pa lamang ang nakasisiguro ng puwesto sa Olympics.

Show comments