Bulls tinakasan ang Raptors record ni Jordan winasak ni Butler

Tinangkang supalpalin ni DeMarre Carroll ng Raptors ang tira ni Jimmy Buttler ng Bulls sa NBA.

TORONTO – Humugot si Jimmy Butler ng 40 sa kanyang 42 points sa isang yugto para basagin ang team record ni Michael Jordan at tulungan ang  Chicago Bulls sa 115-113 paglusot sa Toronto Raptors.

Umiskor ng 39 points si Jordan sa second half nang labanan ng Bulls ang Milwaukee Bucks noong 1989.

Nagsalpak si Butler ng 14-of-19 fieldgoal shooting sa huling dalawang quarters matapos ang 1-for-4 start sa pang-apat na sunod na arangkada ng Chicago.

Nang tanungin ukol sa pagsira niya sa record ni Jordan, sinabi ng 26-anyos na si Butler na, “Do not compare me to him.”

Ang pagkamada ni Butler sa second half ang nagbangon sa Bulls mula sa 15-point deficit sa Raptors.

Itinala naman ni Pau Gasol ang kanyang ika-17 double-double sa season sa hinakot na 19 points at 13 rebounds sa paggiba ng Bulls sa Raptors sa ikalawang pagkakataon sa loob ng isang linggo.

Binanderahan ni DeMar DeRozan ang Toronto sa kanyang 24 points.

Sa Los Angeles, umiskor si Lou Williams ng season-high 30 points para igiya ang Lakers sa 97-77 paggupo sa Phoenix Suns.

Ito ang ikatlong dikit na panalo ng Lakers matapos manalo sa Boston Celtics at Philadelphia 76ers. Ito naman ang pang-siyam na sunod na kamalasan ng Suns.

Sa New York, umiskor si Arron Afflalo ng season-high 38 points para ihatid ang Knicks sa 111-97 panalo laban sa Atlanta Hawks.

Nagtala si Afflalo ng 14-for-17 fieldgoal clip at may 7-for-8 shooting sa 3-point range. Pinangunahan naman ni Paul Millsap ang Hawks sa kanyang 19 points kasunod ang 18 ni Kent Bazemore.

Sa Washington, tumapos si Chris Bosh na may 23 points kasunod ang 18 markers ni Goran Dragic para sa 97-75 panalo ng Miami Heat sa Wizards.

Show comments