MANILA, Philippines - Palalakasin ng Lyceum of the Philippines University ang tansa nitong makapasok sa Final Four sa pakikipagtuos nito kontra San Beda College sa pagbabalik-aksiyon ng 91st NCAA volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Kasalukuyang hawak ng Lady Pirates ang ikalimang puwesto tangan ang 4-3 rekord sa ilalim ng nasa ikaapat na University of Perpetual Help Lady Altas na may 4-2 baraha sa women’s division.
Nangunguna ang San Sebastian College na may malinis na 6-0 marka kasunod ang nagdedepensang Arellano University na may 6-1 at pumapangatlong College of St. Benilde na may taglay na 5-1.
Target ni Lyceum head coach Emil Lontoc na dalhin ang kanyang tropa sa Final Four sa kauna-unahang pagkakataon sapul nang lumahok ito sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
“Hopefully this year we could advance to the Final Four, that’s really our goal,” pahayag ni Lontoc.
Sa men’s division, pakay naman ng San Beda na makuha ang ikalimang panalo sa pagharap nito laban sa Lyceum.
Ang Red Lions ay nakatali sa two-way tie kasama ang Arellano sa ikaapat na puwesto bitbit ang parehong 4-3 marka kartada habang ang Lyceum ay nasa ikaanim dala ang 3-4 rekord.
Nasa unahan ang Perpetual Help na may imakuladang 6-0 kabuntot ang defending champion Emilio Aguinaldo na may 6-1 at College of St. Benilde na may 5-1.
Sa juniors’ category, malinis pa rin ang baraha ng Perpetual Help na naitala ang apat na sunod na panalo para okupahan ang unang puwesto. Kasunod nito ang EAC (4-1), Arellano (4-2) at San Sebastian (2-2).