MANILA, Philippines – Lumasap ng masaklap na kabiguan si Grandmaster Wesley So laban kay GM Yu Yangyi ng China sa final round upang magkasya sa ika-18 puwesto sa pagtatapos ng 2015 Qatar Masters Open na ginanap sa Aspire Zone sa Doha, Qatar.
Tinapos ni So ang kanyang kampanya tangan ang 5.5 puntos habang magkasosyo sa unahan sina Yu at GM Magnus Carlsen ng Norway hawak ang parehong pitong puntos.
Subalit nakuha ni Carlsen ang korona sa bisa ng mas mataas na tiebreak points at pumangalawa lamang si Yu.
Naibulsa ni Carlsen ang $25,000 premyo habang nag-uwi naman ng $15,000 konsolasyon si Yu.
Magkakasama naman sa ikatlo hanggang ikapitong posisyon sina GM Vladimir Kramnik ng Russia, GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine, GM Sergey Karjakin ng Russia, GM Ni Hua ng China at GM Sanan Sjugirov ng Russia na may magkakatulad na 6.5 puntos.
Tumapos na may anim na puntos, nasa ikawalo hanggang ika-17 sina GM Anish Giri ng Netherlands, GM Yu Yinglun ng China, GM Surya Shekhar Ganguly ng India, GM Pendyala Harikrishna ng India, GM Ruslan Ponomariov ng Ukraine, GM Vladimir Akopian ng Armenia, GM Jan-Krzysztof Duda ng Poland, GM Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam, GM Nikita Vitiugov ng Russia at SP Sethuraman ng India.