MANILA, Philippines – Tunay na makulay ang taong ito para sa Philippine Swimming League (PSL) matapos humakot ng gintong medalya sa malalaking international tournaments.
Maningning na sinimulan ng PSL ang 2015 nang magbulsa ito ng 16 ginto sa Phuket Invitational Swimming Championship noong Marso sa Thailand kung saan humakot ng tig-walong ginto sina Aubrey Tom at Kyla Soguilon.
Agad itong sinundan ng impresibong kampanya sa prestihiyosong Indian Ocean All-Star Challenge na ginanap sa Challenge Stadium sa Perth, Australia tampok ang kumikislap na 41 ginto, 13 pilak at walong tanso.
Humataw si Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas na sumungkit ng walong ginto tampok ang tatlong bagong rekord habang umani naman ng pitong ginto si Stephen Guzman, anim si Soguilon, at tig-apat sina Micaela Jasmine Mojdeh at Drew Benett Magbag.
Noong Mayo, muling umariba ang Pinoy tankers matapos angkinin ang siyam na ginto sa Convoy Stingray Invitational Swimming Championship sa Hong Kong.
Nagbida si Zamora tangan ang anim na ginto habang nagdagdag si Juliana Charize Esmero ng dalawa at isa buhat kay Guzman.
Matagumpay na naipagtanggol ng PSL ang pangkalahatang kampeonato nito sa Singapore Invitational Swimming Championship hawak ang 36 ginto, 54 pilak at 31 tanso.
Hinirang na Most Outstanding Swimmers sa naturang event sina Mojdeh at Soguilon na parehong umani ng limang ginto gayundin sina Marc Bryan Dula at Lee Grant Cabral na nangibabaw sa kani-kanilang age-groups.
Agaw atensiyon din sa naturang event si Zamora na winasak ang apat na rekord ni Asian Games gold medalist at Southeast Asian Games Most Bemedalled Male Swimmer na si Joseph Schooling ng Singapore sa 100m butterfly (1:01.27), 100m backstroke (1:02.95), 200m Individual Medley (2:16.75) at 50m backstroke (29.48).
Ilang linggo ang nakalipas, bumalik ang PSL sa Singapore para sa 21st SSC Open Invitational Midget Meet para kubrahin ang tatlong ginto, apat na pilak at tatlong tanso.
Engrandeng tinapos ng PSL ang taong taglay ang 19 ginto, 10 pilak at 10 tanso na sinisid nito sa 2015 Japan Swimming Championship sa Tokyo.
Itinanghal na MOS sina Esmero, Mojdeh, Zamora, Soguilon at Rio Lorenzo Malapitan sa kani-kanilang dibisyon.
Hindi rin malilimutan ang partisipasyon ng PSL sa 2015 Summer World University Games na ginanap sa Gwangju, South Korea.
“No one has accomplished what we have done despite that there is no financial assistance from the government. We have travel as far as Cape Town in South Africa, Kazan in Russia, Perth in Australia and Tokyo in Japan. We have sent some swimmers for free, subsidy given by PSL,” ani PSL President Susan Papa.
Nagpadala ang PSL ng 50 tankers na nabigyan ng tsansang makipagsagupaan sa matitikas na swimmers sa mundo gaya ng United States, South Africa, Australia, China, Great Britain, Brazil, Russia, Canada at iba pang malalakas na bansa.
Umaasa ang PSL na mas magiging magarbo ang ratsada nito sa susunod na taon kasabay ng pag-asang mabigyan ng pagkakataon ang ibang swimmers na katawanin ang bansa sa malalaking international tournaments.