Silva puntirya ang panalo kay Bisping

MANILA, Philippines – Sa kanyang pagbabalik sa octagon ay umaasa si dating UFC middleweight champion Anderson Silva na mananalo laban kay Briton Michael Bisping sa Pebrero.

Ito ang muling magbibigay sa tinaguriang ‘The Spider’ ng isang title shot.

Naisuko ni Silva ang kanyang middleweight crown matapos matalo kay American Chris Weidman sa UFC 162 noong Hulyo ng 2013.

Muling nabigo si Silva kay Weidman sa kanilang rematch sa UFC 168 kung saan nabalian ng binti ang Brazilian sa second round.

Mula sa nasabing injury ay bumalik si Silva noong Enero ng 2015 kung saan niya tinalo si Nick Diaz via points.

Ngunit nawalang-saysay ang kanyang panalo nang maging positibo sa post-fight drug test kasunod ang kanyang one-year suspension.

Lalabanan ni Silva si Bisping sa UFC Fight Night card sa O2 Arena sa London.

“I would love (for) this fight to be in Brazil,” wika ni Silva sa panayam ng UFC.com. “But it’s going to be a pleasure to come back and face Michael Bisping at the sold-out O2 Arena in London.”

Huling lumaban si Silva sa London noong 2006 kung saan niya pinabagsak si Tony Frykland para manapatili ang Cage Rage middleweight championship.

“I’m really excited to be back,” sabi ng Brazilian icon. “I believe this is going to be a big test so I can come back and go after a title shot.”

Hawak pa rin ni Silva ang longest winning streak sa UFC history mula sa kanyang 16 sunod na panalo at naghari sa UFC middleweight division sa loob ng 2,457 araw na siyang pinakamatagal sa kasaysayan ng mixed martial arts.

Show comments