MANILA, Philippines – Nangunguna sina Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas at Drew Benett Magbag ng University of the Philippines Integrated School sa mga kandidato bilang Philippine Swimming League (PSL) Male Swimmer of the Year.
Impresibo ang naging kampanya ng 15-anyos na si Zamora sa taong ito matapos humakot ng gintong medalya sa iba’t ibang international competitions.
Magarbong sinimulan ni Zamora ang taon nang sumisid ito ng walong gintong medalya sa 2015 Indian Ocean All-Stars Challenge na ginanap sa Perth, Australia kasunod ang pagkopo ng anim na ginto sa Convoy Stingray Invitational Swimming Meet sa Hong Kong.
Muling humataw si Zamora sa Singapore Invitational Swimming Championship noong Agosto kung saan umani ito ng tatlong ginto at tatlong pilak kasama ang pagwasak sa tatlong meet records.
Tinapos ni Zamora ang taon sa pagkopo ng dalawang ginto, isang pilak at isang tanso sa Japan Swimming Championship sa Tokyo, Japan.
Maliban sa mga ginto, limang beses ring nasungkit ni Zamora ang President’s Trophy matapos magtala ng pinakamataas na FINA points habang walong Most Outstanding Swimmer awards ang naibulsa nito sa taong ito.
Maganda rin ang ipinamalas ni Magbag nang umani ito ng apat na ginto kasama ang dalawang rekord sa Indian Ocean All-Star Challenge habang nakasiguro ito ng dalawang pilak sa Japan Swimming Championship.
Kasama rin sa pinagpipilian sina Marc Bryan Dula ng Weissenheimer Academy at Paul Christian King Cusing ng Diliman Preparatory School na tumulong din sa kampanya ng Pilipinas sa mga international tournaments.
Nakapagbigay si Dula ng isang ginto at apat na pilak sa Singapore Invitational Swimming Championship at isang pilak sa Singapore Open Midget Meet habang kumana ng isang pilak at dalawang tanso si Cusing sa Indian Ocean All-Star Challenge, tatlong tanso sa Singapore Invitational Swimming Championship at tatlong tanso sa Japan Swimming Championship.
Ang iba pang kandidato ay sina 2015 Summer World University Games veteran Jux Solita ng UST, Ferdinand Ian Trinidad ng Pedro Guevara Memorial National High School-Laguna at Lans Rawlin Donato ng University of the Philippines.