MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ni Senator Francis ‘Chiz’ Escudero ang mga National Sports Association leaders na gawin ang kanilang mga pangako sa tuwing humihingi ng tulong-pinansyal sa gobyerno.
Ayon kay Escudero, isang independent vice-presidential candidate, palaging nangangako ang mga NSA leaders sa kanilang mga magiging performance habang nakikipag-agawan ng financial support sa kabuuang 42 regular members ng Philippine Olympic Committee (POC) mula sa limitadong pondo ng Philippine Sports Commission (PSC).
Bukod sa 42 regular members ay mayroon pang limang associate member organizations ang POC na nagbibigay din ng special recognition sa lima pang sports groups.
Ang PSC ang gumagastos sa partisipasyon ng mga atleta sa international competitions kagaya ng SEAG, Asian Games at iba pang Asian at World Championships.
Ang POC ay isa namang independent body at non-government organization na nasa ilalim ng International Olympic Committee (IOC).
Karamihan sa mga NSAs ay hindi maganda ang naipapakita sa mga nilahukang kompetisyon sa mga nakaraang taon.
Kagaya na lamang nang tumapos ang bansa sa pang-anim na puwesto sa overall championship ng 28th SEAG sa Singapore.
Matapos angkinin ang SEA Games overall championship noong 2005, halos isang taon matapos iluklok si Jose ‘Peping’ Cojuangco bilang kapalit ni POC president Celso Dayrit ay naging masama na ang estado ng Philippine sport.
Tumapos ang Pilipinas sa No. 6 sa Thailand (2007), No. 5 sa Laos (2009), No. 6 sa Indonesia (2011), No. 7 sa Myanmar (2013) at No. 6 sa Singapore (2015).
Sa huli namang paglahok ng bansa sa Asian Games ay tanging si Filipino-American BMX rider Daniel Caluag ang nakapag-uwi ng gold medal mula sa Incheon, Korea.
Sa 2016 Rio de Janeiro Olympics ay si Filipino-American Eric Shaun Cray pa lamang ang nakakakuha ng Olympic berth sa kanyang paglahok sa men’s 400-meter hurdles sa track and field.