MANILA, Philippines – Muling masisilayan ang Pinoy cagers sa world stage matapos bigyan ng tiket ang Pilipinas sa prestihiyosong 2016 International Basketball Federation (FIBA) 3x3 World Championships na idaraos sa Oktubre 11 hanggang 15 sa Guangzhou, China.
Matinding bakbakan ang haharapin ng Pinoy squad dahil makakasagupa nito ang pinakamalalakas na koponan sa mundo gaya ng United States, Brazil, Russia, Spain at defending champion Qatar.
Raratsada rin ang Andorra, China, Egypt, Indonesia, Italy, Japan, Netherlands, New Zealand, Poland, Romania, Russia, Serbia, Slovenia, Turkey at Uruguay.
Nabiyayaan ng awtomatikong tiket ang Pilipinas dahil sa magandang kampanya nito sa ilang international tournaments ng 3x3.
Magugunitang tumapos sa ikaanim na puwesto ang Manila North sa FIBA 3x3 World Tour na ginanap sa Abu Dhabi, United Arab Emirates noong Oktubre kung saan pinangunahan ang koponan ni Calvin Abueva kasama sina Troy Rosario, Vic Manuel at Karl Dehesa.
Sa FIBA 3x3 Awards, kinilala si Terrence Romeo ng Globalport Batang Pier bilang Most Spectacular Player kung saan tinalo nito sa naturang parangal sina Dusan Domovic Bulut (Novi Sad Al Wahda), David Seagers (NY Harlem), Michael Hicks (Gdansk), Dragan Bjelica (Belgrade), Chris Reaves (Wukesong) at Abueva.
Hindi rin mabubura ang impresibong ipinamalas ni Kobe Paras na matagumpay na naipagtanggol ang kanilang titulo sa Slam Dunk competition ng FIBA 3x3 Under-18 World Championship noong Hunyo sa Hungary.