MANILA, Philippines – Pormal nang inanunsiyo kahapon ng De La Salle University ang pagtatalaga kay Aldin Ayo bilang head coach ng Green Archers sa susunod na edisyon ng University Athletic Association of the Philippines men’s basketball tournament.
Inilabas ng La Salle ang desisyon base sa deliberasyong isinagawa ng search committee kung saan kinuha ang pulso ng administrasyon ng unibersidad gayundin ang alumni at mga pangunahing tagasuporta ng Green Archers.
“Upon deliberation of a search committee and consultation with the administration and alumni, La Salle is pleased to announce Aldin Ayo as the new head coach of the men’s basketball team,” ayon sa statement ng La Salle.
Si Ayo ang humalili sa iniwang puwesto ni Juno Sauler na nagbitiw bilang mentor ng La Salle noong nakaraang buwan at kasalukuyang bahagi ng coaching staff ng Star Hotshots sa PBA.
Inaasahang sisimulan na ni Ayo ang pagbalangkas ng programa nito para sa Green Archers na naghahangad makabalik sa Final Four sa UAAP Season 79.
Magugunitang dinala ni Ayo ang Colegio de San Juan de Letran sa kampeonato sa NCAA Season 91 men’s basketball tournament matapos talunin ang San Beda College, 2-1 sa kanilang best-of-three championship series.