MANILA, Philippines – Bagama't natalo ang Alaska sa kanilang huling laro ay alam ni San Miguel coach Leo Austria ang kakayahan ng mga Aces.
“Going to the Alaska game, kailangan ma-match namin 'yung intensity nila,” sabi ni Austria. “Must win for them kasi a loss for them they'll be eliminated sa Top Two, so we have to be ready.”
Lalabanan ng nagdedepensang Beermen ang Aces ngayong alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Rain or Shine Elasto Painters at sibak nang Meralco Bolts sa alas-4:15 ng hapon sa 2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kasalukuyan sumasakay ang San Miguel sa seven-game winning streak, kasama ang 97-84 paggupo sa Talk 'N Text noong Disyembre 12, at hangad na makopo ang una sa dalawang outright semifinals berth.
Nagmula naman ang Alaska sa 105-111 pagkatalo sa Rain or Shine noong Disyembre 11 na pumigil sa kanilang apat na sunod na arangkada.
Sa naturang panalo sa Tropang Texters ay kumamada si one-time PBA Most Valuable Player Arwind Santos ng 30 points kasunod ang 22 ni back-to-back MVP June Mar Fajardo, 21 ni Alex Cabagnot at 12 ni Chris Lutz.
Hindi naman nakaiskor si outside sniper Marcio Lassiter bunga ng dalawang beses pa lang nitong pakikipag-ensayo matapos ang dalawang linggong pagpapagaling ng kanyang injury.
Muli namang ipaparada ng Aces sina Cyrus Baguio, Calvin Abueva, JVee Casio, Sonny Thoss, Vic Manuel at Dondon Hontiveros.
Sa unang laro, palalakasin ng Elasto Painters ang kanilang tsansa sa ikalawang outright semifinals seat sa pagharap sa Bolts.
“We look forward to playing NLEX and Meralco in our last two games, and hope to get the outright semis,” wika ni mentor Yeng Guiao sa kanyang Rain or Shine na sunod na lalabanan ang NLEX sa kanilang huling asignatura sa eliminasyon.