Perpetual Help volley teams nanalasa

Nag-unahan sa paghataw ng bola sina Rhoy Parce (12) ng Perpetual Help Junior Altas at Lance Anupol ng La Salle Greenhills Greenies sa NCAA  Season 91 junior men’s volleyball tournament.

MANILA, Philippines - Iginupo ng University of Perpetual Help ang College of St. Benilde, 25-21, 25-27, 25-20, 25-20 para muling sumalo sa liderato sa NCAA Season 91 men’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Humataw ng 20 puntos si Bonjomar Castel habang nagdagdag ng 17 puntos  si Ma­nuel Doliente at 10 naman kay Rey Taneo para tulungan ang Altas na makuha ang kanilang ikaapat na sunod na panalo.

Makakasama ng Per­­petual sa unahan ng standings ang nagdedepensang  Emilio Aguinaldo College na may hawak ding malinis na 4-0 baraha.

Sa women's division, ginulantang ng Perpetual Help ang St. Benilde sa bisa ng 14-25, 25-23, 25-21, 21-25, 16-14 panalo upang kubrahin ang kanilang ikalawang panalo sa apat na laro.

Nagrehistro si Cindy Imbo ng 19 puntos para sa Lady Altas na ipinatikim sa Lady Blazers ang kanilang unang kabiguan.

Laglag sa 3-1 rekord ang Benilde.

Patuloy din ang pana­nalasa ng Perpetual Help sa juniors division matapos patumbahin ang St. Benilde, 25-8, 25-8, 25-7.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Junior Altas para sa solong liderato.

Kumana si Ryuji Conrad Etorma ng 19 puntos mula sa siyam sa attacks, dalawa sa blocks at walong aces.

“He (Etroma) played big for us,” ani Perpetual Help coach Sandy Rieto.

Ang Junior Blazers ay lumasap ng ikatlong dikit na pagyuko.

 

Show comments