MANILA, Philippines – Nasungkit nina Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas at Andrea Pacheco ng College of Saint Benilde ang President’s Trophy matapos makakuha ng pinakamataas na FINA (International Swimming Federation) sa 87th Philippine Swimming League (PSL) National Series - 8th Sen. Nikki Coseteng Swimming Championship na ginanap sa Diliman College swimming pool sa Quezon City.
Nagrehistro si Zamora ng dalawang minuto at 12.65 segundo sa boys’ 15-over 200m Individual Medley para makalikom ng 564 puntos at talunin sina Lans Rawlin Donato ng University of the Philippines na may 544 (boys’ 15-over 100m butterfly, 59.37) at Gwangju Universiade veteran Jux Solita ng UST na nagtala ng 524 (boys’ 15-over 200m freestyle, 2:03.22).
Nanguna naman si Pacheco sa girls’ division kung saan naglista ito ng 516 puntos mula sa kanyang naisumiteng 28.97 segundo sa 15-over 50m freestyle. Pumangalawa lamang si Charize Juliana Esmero ng UP Integrated School (511) at ikatlo si Aubrey Sheian Bermejo ng Mindanao (497).
“Isang paraan ang pagbibigay ng President’s Trophy na mapataas ang level ng competition dahil mas napu-push ang mga bata na makuha yung highest FINA points. Maganda ang resulta dahil maraming records ang nabe-break,” ani PSL President Susan Papa.
Bukod sa malalaking tropeo, ginawaran sina Zamora at Pacheco ng tig-P1,500 papremyo.
Itinanghal na kampeon ang National Capital Region na nakapagtala ng kabuuang 3,018 puntos kasunod sa ikalawang puwesto ang Team Luzon na may 1,837.
Nasa ikatlong puwesto ang Team Mindanao (722) ikaapat ang Team Visayas (355) at pang-lima naman ang Team Overseas (27).
Sunod na aarangkada ang 88th PSL National Series-Inter-school/Inter-club Class C/Motivational Yearender Swim Meet na gaganapin sa Linggo sa Diliman College swimming pool.