MANILA, Philippines – Nasa mainit na five-game winning streak, tatangkain ng Beermen na makopo ang unang outright semifinals ticket, habang magpapalakas naman ang Batang Pier para sa Top Two.
Lalabanan ng nagdedepensang San Miguel ang NLEX ngayong alas-7 ng gabi matapos ang paghaharap ng Globalport at Meralco sa alas-4:15 ng hapon sa 2015 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nanggaling ang Beermen sa 102-86 paglampaso sa Mahindra noong Disyembre 2 kung saan kumolekta si back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng 35 points, 12 rebounds, 3 blocks, 2 assists at 1 steal.
Inaasahang makakatapat ni Fajardo sa shaded lane si Road Warriors veteran center Asi Taulava.
Umiskor ang 42-anyos na si Taulava ng 29 points sa 90-96 pagyukod ng NLEX sa Globalport noong nakaraang Miyerkules.
Sa tournament format, ang Top Two teams matapos ang elimination round ang makakasikwat ng outright Final Four, habang ang No. 3, 4, 5 at 6 squads ay magdadala ng 'twice-to-beat' advantage laban sa No. 10, 9, 8 at 7, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals.
Kasalukuyang magkasosyo sa liderato ang San Miguel at Alaska sa magkatulad nilang 7-1 record kasunod ang Rain or Shine (6-2), Globalport (5-3), Talk ‘N Text (5-3), Barangay Ginebra (5-4), Barako Bull (4-4), NLEX (4-4), Star (3-6), Mahindra (2-7), Blackwater (1-7) at Mahindra (1-8).
Bukod kay Fajardo, aasahan din ng Beermen sina one-time PBA MVP Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Chris Ross katapat sina Taulava, Sean Anthony, Jonas Villanueva, Mac Cardona at Rico Villanueva ng Road Warriors.
Sa unang laro, pupuntiryahin naman ng Batang Pier ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa Meralco, nasa three-game losing skid.
“At least hindi na tayo nawawala sa quarterfinals ngayon. Medyo steady na ‘yung team pero marami pa kailangan ma-improve,” sabi ni Globalport coach Pido Jarencio.
Muling babanderahan nina Terrence Romeo at Stanley Pringle ang Batang Pier laban kina one-time PBA MVP Jimmy Alapag at Gary David ng Bolts.