MANILA, Philippines – Nangako si PBA commissioner Chito Narvasa na pipilitin niyang makapagdaos ng mga laro sa ibang bansa matapos ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga OFWs sa Dubai.
“We all know that our kababayans abroad don’t have much leisure time. When they come home, kasama sa kasabikan nila ang manood ng PBA,” sabi ni Narvasa. “The PBA going to where they are is our way of giving back to what we call our modern-day heroes.”
Lubos na ikinatuwa ni Narvasa ang pagdagsa ng mga OFWs sa dalawang laro ng Alaska, Ginebra at Mahindra.
“I saw it in Dubai. The reception was not just warm. They’re genuinely very, very happy just to be able to see our basketball stars,” sabi ni Narvasa. “If we can do more activities outside the country, the better. We’ll find time to work within our schedule. Susubukin natin pagbigyan lahat.”
Umaasa ang Clique Events, ang organizing partner ng PBA sa Dubai, na muling makakapagsagawa ng mga official games sa darating na 2016 PBA Commissioner’s Cup.
Sa third conference ay bibisita ang PBA sa Taipei.
Sa susunod na taon ay posibleng makapaglaro ang PBA sa Qatar at sa Saudi Arabia.
Nakapaglaro na ang local pro league sa Indonesia, Hong Kong at Guam.
Muli ring gagawin ang Legends games matapos dumayo sa New Zealand ang grupo nina Alvin Patrimonio, Jerry Codiñera, Jojo Lastimosa, Kenneth Duremdes, Marlou Aquino, Bal David at Noli Locsin.
Alam ng mga PBA ball clubs ang pagdadala ng kasiyahan sa mga Pinoy sa abroad.
Sa katunayan ay sinimulan ng Alaska ang kanilang workouts sa pagbisita nila sa Dubai. Tinalo ng Aces ang Enforcers bago yumukod sa Gin Kings sa kanilang dalawang laro.
“You can feel yung pagkasabik na makasalamuha ang kababayan nilang dinadalaw sila,” ani Alaska chief playmaker Jvee Casio.
“Nakakataba ng puso na alam mong nakapagpasaya ka ng kapwa Filipino na nasa abroad. Yon yung pakiramdam ko,” sabi naman ni forward Calvin Abueva, naging bahagi ng Manila West team na sumabak sa FIBA World Tour 3x3 finale sa Doha, Qatar.