MANILA, Philippines – Pormal nang tinanggap ng De La Salle University ang pagbibitiw ni Juno Sauler bilang head coach ng Green Archers sa University Athletic Association of the Philippines men’s basketball tournament.
“De La Salle University announces the resignation of Green Archers Men’s Basketball Head Coach Juno Sauler. He filed his resignation today, 24, November 2015,” ayon sa statement ng La Salle.
Nagpasalamat ang unibersidad sa kontribusyon ni Sauler sa koponan kung saan binigyan nito ang Green Archers ng titulo noong Season 76.
Binigyan din ni Sauler ng korona ang La Salle sa Philippine Collegiate Champion’s League (2013) at FilOil tournament (2014).
Si Sauler ay may 31-19 win-loss rekord bilang head coach ng La Salle.
Ngayong taon, bigo ang La Salle na makapasok sa Final Four matapos ang 6-8 rekord sa eliminasyon, sapat lamang sa ikalimang puwesto.
Nakatakdang bumuo ng search committee ang La Salle na siyang pipili sa maiiwang puwesto ni Sauler.
“The University will form a search committee for a new head coach and will keep the Lasallian community as well as the public informed,” pagtatapos ng statement.
Maugong ang pangalan ng beteranong mentor na si Siot Tanquincen gayundin ang dating Philippine Basketball Association star na si Allan Caidic na parehong kasalukuyang miyembro ng La Salle coaching staff.