MANILA, Philippines – Humakot ng tatlong tansong medalya si Hidilyn Diaz sa 2015 World Weightlifting Championships na ginanap sa Houston Texas upang mapalakas ang kanyang tsansang makapasok sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janerio, Brazil.
Nasungkit ng 24-anyos na si Diaz ang tanso sa snatch matapos bumuhat ng 96 kilos kasunod ang pagkopo ng isa pang tanso sa clean and jerk sa nailista nitong 117 kilos.
Nagtala si Diaz ng kabuuang 213 kilos, sapat para kubrahin ang tanso sa total output.
Sa katunayan, magkatulad ang nabuhat nina Diaz at Hsu Shung Ching ng Chinese Taipei sa snatch ngunit nagkasya ang Pinay lifter sa tanso via tiebreak.
Naibulsa naman ni Nestor Colonia ang ikaapat na tanso ng Pilipinas mula sa clean and jerk ng men’s 56-kilogram division.
Sinabi ni Weightlifting Association of the Philippines honorary chairman Monico Puentevella na malakas ang tsansa nina Diaz at Colonia na makapasok sa Olympics.
“There will still be computations but having been a former Asian Weightlifting president, I believe both will qualify for Rio,” ani Puentevella.
Hangad ng two-time Olympian na si Diaz na makalikom ng sapat na puntos upang makakuha ng tiket sa Rio Olympics.
Kamakailan ay umani ng tatlong ginto si Diaz sa Asian Weightlifting Championship sa Phuket, Thailand. Nakapaglaro na rin ito sa 2008 Beijing at 2012 London edisyon ng Olympics.